Archive for the ‘heto kami ngayon.’ Category

Gamit

Posted: November 6, 2011 in heto kami ngayon.

It seems that technology is everywhere. Andiyan ang mga phones, smartphones, android phones, tablets, laptop, netbook, LED TV, plasma TV, DVD player, Blu-ray, 3D TV, components at kung anu-ano pang mga bagay na masasabi nating one of the important thing na kailangan meron ka. Kung wala ka, hindi ka “in”. O di kaya, isang malaking ALIEN o extinct species kung wala ka ni isa sa mga nabanggit ko.

Aminin na natin, cellphones are important to our lives. Sa panahon na ito, walang taong walang cellphone. Usong-uso na rin ang tablets kaso hindi ko sinasabi na isa sa necessity ang pagkakaroon ng tablet. Sapat na ang cp sa buhay ng tao. May mga cellphone nga diyan na ang daming features. Mapapa-wow ka sa specifications na pinapakita no’n. Sa kasamaang palad, mabigat sa bulsa at higit sa lahat nakakabutas ng pitaka. Mas maraming features, mas mahal. That’s the reality. Kapag nag-iikot nga ako sa mga malls napapa-OMG sa presyo. Sa liit no’n, five digits na ang presyo! Naman! Kung sa bagay, hindi ko naman puwedeng sabihin sa kanila “bilhin lang ninyo ang kailangan ninyo” kung sobra-sobra ang perang meron sila. Come what may. Buhay nila iyon.

Uso rin ngayon ang naglalakihang widescreen television. Yung cinamatic ang dating. Parang may sarili ka ng sinehan sa bahay mo. At kung malaki ang telebisyon mo dapat maganda ang sound system na meron ka. Home theater ang tawag doon. Dapat dolby at higit sa lahat nagpapadagundong ng bahay. Huwag naman ‘yong wasak pati ang eardrums mo dahil sa lakas ng tunog. Subalit, tulad ng nauna kong sinabi ang tv para ring cellphone. Kapag maraming features at sobrang laki, mahal. Buhay nga naman. Kinasisiyahan ng mga tao ang mga ganoong gamit. No worries naman (para sa iba) dahil may zero interest at may installment na ibinibigay kapag bumili sila ng mga brand new things. Nauuso rin ang pagbili ng 2nd hand materials. Ingat ka lang dapat.

Hindi rin mawala sa isip natin na kapag meron kang gamit na nabanggit ko kanina, tinuturing ka ng mayaman o nakakaangat sa buhay. Totoo naman, di ba? May nakita na ba kayong metro aid na may hawak na Ipad o Iphone? At may nakita na rin ba kayong taong naninirahan sa ilalim ng tulay na may 42″ na TV at kompleto sa sound system? Wala, di ba? Kaya kadalsan, kung anong mga gamit na meron ka pamantayan iyon kung anong klase kang tao. Siya nga naman.

Para maging malinaw na ang usapin na ito tatapatin ko na kayo na hindi kami mayaman o pinanganak na mayaman. Simple lang ako. Simple lang po ang aking pamilya. Naninirahan kami sa maliit na bahay na kasing tahimik ng isang haunted house. Walang second floor, hindi de-aircon wala rin kaming kotse. Simple lang kami tulad na nabanggit ko noong una.

Naalala ko nga yung kwento ng mama ko kung paano nila pinagsikapan na bigyan kami ng mamahaling gatas. Yung S21. Face-out na iyon ngayon sa market kaya wala na kayong makikitang ganoong brand. Sabi niya sa amin, iyon daw ang mahal na gatas noon. Humingi siya sa tito ko, yung kapatid ng papa ko na ngayon e nasa heaven na. hindi niya binibigyan ang papa ko kung siya yung humihingi. Si mama lang. pala-inom kasi ang tatay ko. Mabisyo sa alak at sigarilyo pero hindi sa sugal. Buhat-buhat ang kapatid ko at ako naman ay hawak-hawak niya, pumupunta kami sa aming tito. Workaholic siyang tao,sabi ng mama ko. Kuripot pero hindi sa kanyang mga pamangkin (kami iyon). Sinosobrahan niya ang bigay para makapag-grocery din ang mama ko. Kapag binigyan na si mama, pupunta na siya sa Mercury drug para bumili ng aming gatas tapos pupunta sa Isetan (yung sa may Sta.Cruz, Manila. Wala na ‘yon ngayon) para mag-grocery. Kapag may sobra, binibilhan kami ni mama damit.

Sa tuwing may gusto kaming magkapatid, binibili naman ng aming magulang ngunit hindi agad-agaran. Maghihintay kami ng ilang linggo bago namin makamit iyon. Hindi naman kami nagtatampo agad. “Anak huwag kayong magtatampo kung hindi namin naibibigay ang gusto ninyo. Kailangan pa namin pag-ipunan iyon. Basta ang mahalaga huwag kayong maiingit kung anuman ang meron ang iba.” Wika ng papa at mama ko parati. Naiintindihan namin sila na salat kami sa pera pero hindi naman sila nagkukulang sa pag-aaruga. Bilang lang ang laruan na meron kami noon. Kadalasan, kuwento ng nanay ko, nanghihiraman pa kaming magkapatid sa laruan. Libro? Iyon ang marami kami, sabi ng mama ko. Kapag binibigay ni papa ang sahod niya kay mama, binibilhan kami ng coloring book. Kung minsan naman librong may kwento. Piso lang kasi iyon noon.

Mahilig silang basahan kaming magkapatid ng kwento. Kung hindi ang tatay namin, si mama minsan. Kwento pa ng tatay ko, nakikisabay daw kami minsan. Pilit naming binabanggit ang mga salitang nakasulat sa libro. Ang bunso kong kapatid ang nakapagsalita ng deretso at ako naman yung bulol style pero naiintindihan naman. Yung nga lang, bulol. Minsan nga raw nakita nila kaming may hawak na libro. Kami na mismo ang nagbabasa. At kung hindi na naman mabanggit, lapit agad kami sa kanila. Ako raw yung lapit ng lapit sa kanila para magpaturo kung paano banggitin ‘yong salita. Four years old ang kapatid ko noon at six years old naman ako.

Nang kami nangungupaan sa isang squater’s area, wala kaming telebisyon. Hindi uso ang colored TV noon, sikat ang black and white. Kung may pasok sila mama at papa, nasa kapatid-bahay lang kami, nakikipanood. Sila lang kasi ang may tv na malapit sa amin. Nakapirme kaming magkapatid sa isang sulok. Hindi kami naghaharutan o gumagawa man lang ng inggay. As in yung mga mata namin tutok na tutok sa screen ng tv. Kung comedy ang palabas, hindi kami humahalakhak ng sobra. Yung tipong kita na yung ngalangala. Tatakpan namin ang aming bibig sabay pipigilan ang aming pagtawa. Pinagtatawanan tuloy kami ng aming kapit-bahay. Kapag nakauwi na ang aming magulang sisilipin lang kami. Hindi kami ginagambala. Pinagmamasdan lang kami mula sa bintana. Kung horror naman, nagyayakapan kaming magkapatid at kapag natapos na yung palabas, uuwi na kami sa aming bahay. Siyempre hindi namin nakakalimutang magpasalamat sa may-ari ng tv. Tapos ikukwento naming magkapatid kung ano ang aming napanood sa mama at papa namin.

Sayang nga lang wala kaming kamera para kunan ng larawan ang mga happy moments naming magkapatid. Wala kaming pera pambili noon. Humihiram lang ang mama ko sa mga kaibigan niya na may kamera. Kapag nakahiram siya, kailangan ubos ang film para mapa-develop na agad. Wala rin kaming video-cam para kunan ang kakulitan naming magkapatid. Magkagayunman, hanga ako kung paano ikinuwento ng mama at papa ko ang aming kamusmusan. Kung paano kami naglalaro at naglalamibingan, lahat yun, klaro niyang naikwento. Astig si mama.

Dahil sa pinagsamang bonus ng nanay at tatay namin, binilhan kami ng tv. Black and white ang binili nila. Nang lumabas ang colored Tv, hindi afford ng magulang namin ang ganoong telebisyon. Mahal kasi iyon. Aba hindi kami na nagreklamo! Lundag kami ng lundag ng binilhan kami ng tv. Hindi na kami makikinood sa kapitbahay, hindi na namin pipigilan ang pagtawa namin at higit sa lahat, makakaiyak na kami ng husto kung horror man ang palabas. Kahit labas ang aming ngalangala e ayos na. Hindi na kami mahihiya. Kahit anong channel na gusto namin, malaya naming nalilipat. Higit sa lahat wala ng tatawag sa amin na kailangan na kaming umuwi. Makakanood na rin sina mama at papa na kasama kami.

Hindi ako mayaman o pinanganak na mayaman. Kung pagpipilitan na mayaman ako, ito na lang ang sasabihin ko, “mayaman ako sa pag-aaruga at pagmamahal ng mga taong nagmamahal at nag-aaruga sa akin.” Gets? Malabo ata. Basta ang mga gamit na meron kami kailanman hindi puwedeng ipagmalaki o ipagyabang sa mga tao. Sa inyo rin. Kung may gamit kayo na mamahalin, magpasalamat sa Diyos sa biyayang pinagkakaloob Niya at ingatin din para tumagal.

1:40pm
11/5/2011