First Entry

Posted: December 18, 2011 in Dear D (fiction)

October 12, 2011
9:34P.M, Wednesday

Wala kasi akong makausap kaya heto ako, ginugulo ko ang isang tulad mo. Ikaw lang naman ang may ganang makinig sa akin. Matagal na rin buhat na nagkausap tayo. Hindi ko rin mabilang kung ilang araw na. Baka nga linggo o buwan. Hindi ko talaga maalala. Paumanhin na lang kung ngayon lang kita nakausap muli. Sana handa ka pa ring makinig sa akin. Alam mo na. Mahirap ang buhay third year.

Apat na buwan na buhat nagsimula ang pasukan, kung bibilangin mo kung ilang quarters na ang lumipas bago ako makasulat sa iyo, masasabi ko na lumampas na ang first at second quarter. Tumpak! Papasok na ang third quarter at heto ako ngayon, sinusulat ko sa iyo ang mga nangyari sa akin.

May isang tao kasi na hindi maalis-alis sa aking isipan. Lagi ko siyang napapansin. Ewan ko ba. tadhana bang matatawag iyon? O baka naman nagkataon lang? Alin man sa dalawa, lumalabas na lagi ko siyang nakikita na hindi ko mawari kung bakit.

Alam mo, masaya ako sapagkat nakita ko siya na hindi ko inaasahan kaninang umaga. Hindi ko nga alam kung ano ang pumasok sa utak ko at nalingon ko siya at kung bakit puno ako ng galak sa aking puso. Naglalakad lang ako papasok sa iskul nang bigla siyang lumitaw sa aking dinadaanan. Para siyang kabute na sumulpot na walang paalam. Hindi ko siya kaklase at hindi ko rin siya ka-edad. Gayunpaman, hindi ko talaga maalis ang tingin ko sa tulad niya. Walang oras na hindi ko siya napapansin. Para tuloy akong ispiya na umaaligid na hindi niya nalalaman at kung malaman man niya, lagot ako.

Sa tindig niya, mga 5’11 marahil ang kanyang height; sa tuwing Chemistry class namin nakikita ko siyang nakapila sa may Canteen. Hindi man parehas ang aming breaktime, pansin ko siya kapag napapadungaw ako sa bintana. Malapit lang kasi ang Canteen sa room na pinapasukan ko. At siya rin lang ang kaisa-isang tao na kahit sa malayo nakikita ko pa rin. O sadyang naka-set na yung mata ko para sa kanya.

Nakabili na siya at paalis na sa Canteen. Palakad na siya sa pasilyo nang bigla siyang napatingin sa itaas at nakita niya ako na nakadungaw. S***! Our eyes just met! Bigla kong hinawi ang kurtina sa takot na pagkamalaman akong stalker. Subalit hindi ko tinatanggi na bumilis bigla ang tibok ng aking puso. Oh God, please help me to overcome this feeling!

At dahil doon tinawag ako ni Ms. Bautista. Buti na lamang nakasagot ako. Hay, salamat naman. Lakas talaga ng prayer.

Pagkatapos ng Science, recess time na namin. Sa kasamaang palad, siya namang klase nung taong lagi kong napapansin. Nakakasalubong namin ang ibang estudyante na papasok sa kanilang silid-aralan. Nakita ko siya na nakikipagkulitan sa kanyang mga kaklase kaya marahil hindi niya ako napansin na nakatingin sa kanya. Napansin din iyon ng iba ko pang kaklase kaso sa kanya lang talaga ako nakatitig ng mga oras na iyon. Namumukaan kaya niya ako? Kung oo, di sana kanina pa niya ako pinagsabihan na nakita niya akong nakatingin sa kanya. Baka nga hindi. Iba siguro ‘yong tinitignan niya sa itaas. Feelingara talaga ako.

Sumapit ang klase namin sa Math. Bilang estudyante, compute kami ng compute. Daig pa sa isang calculator.

If the projectile is launched with an initial velocity of Vo feet per second from an initial height of So feet, then its height s(t) in feet is determined by the quadratic function s(t)= -16r2 + Vot + So, where t is the time in seconds. If the ball is tossed upward with velocity 64 feet per second from a height of 5 feet, then what is the maximum height reached by the ball?

Ang haba ng sinabi, nasa dulo ang tanong palagi. Style talaga ni sir Navarro, magulo. Nakakasira ng utak. Hindi ko nga alam kung paano naging related ang velocity sa Math. Akala ko pang Science lang pang Math din pala. Buhay estudyante nga naman. Sa isang tanong na yun, umaabot kami ng thirty minutes to answer that question. Tapos kung suko na kami, si sir Navarro tatayo sa kanyang kinauupuan at thirty minutes mage-explain sa harapan. Tapos yung mga tanong na hindi namin nasagutan, take home na. Asar naman. Kaya siguro napanot si sir dahil sa kaka-compute ng mga gano’ng tanong. Hinahaluan niya kasi ng Science. Baka naman sa susunod, magulat na lang kami may worst History na este world History. Close kasi siya kay sir Serapin, ang aming History teacher.

Nang matapos na ang klase, tinulungan ko ang aking guro na dalhin ang mga notebook namin sa faculty.

Shocking! Nasa fourth floor pala ang kanyang room bago mag-faculty room. Pag-akyat ko kasi nakita ko siya na nakatayo sa labas ng kanilang silid-aralan. Bakit kaya? Hindi ako tumingin direkta sa kanya baka magkasalubong na naman ang aming mga tingin. Asa pa ako. Ilusyon lang ata yung nagkasalubong ang aming mga tingin kanina. Tama. Ilusyon lang talaga iyon na pinaglalaruan ang aking mga mata.
Nilapag ko ang mga notebook sa table ng aking titser at saka ako bumalik sa aming klasrum. Pagkalabas ko sa faculty, nakatayo pa rin siya hanggang ngayon sa labas ng kanilang klasrum.

Pababa na sana ako nang bigla akong tinawag ng aking guro. Tinawag din siya at doon ko nalaman kung ano ang kanyang pangalan, Mateo ang kanyang ngalan. Cute pakinggan pero may pagka-biblical ang dating. Nang lumapit kami, yung manggas ng kanyang damit e pakiramdam ko dumikit sa aking balikat. Ang tangkad niya talaga. Inutusan siyang ipa-photocopy ang dalawang hand-outs na kakailanganin ng titser sa kanyang klase bukas. Ako naman i-jot down ang mga assignments na ipapasa pa sa Lunes at ipakopya ko raw sa aking mga kaklase. Hindi niya naisip na may assignment pa kami at yung mga problems na hindi namin nasagutan kanina. Naman si sir talaga!

Ako naman itong mabait na bata at sinunod ang sinabi ng guro. Ganoon din siya. Habang sinusulat ang magiging assignment namin, narinig ko ang pinag-uusapan ng mga teachers. Si Mateo ang kanilang pinag-uusapan. Sinapak niya raw ang isa sa kanyang kaklase. Nanlaki ang aking mga mata nang narinig ko iyon. Sa ganoong klaseng itsura, hindi ko akalain na bully siya. Baka naman may dahilan si Mateo kaya niya iyon ginawa. Ewan ko. Hindi ko alam ang buong kwento. Biglang lumabas ang aking titser. Magbabanyo lang daw siya saglit. Kung matapos man ako, puwede na akong bumalik sa aking room para mag-lunch. Bago makalabas ang aking guro, binilinan niya ako na sabihin kay Mateo na huwag muna siya papasok sa kanyang klasrum.

Habang nagsusulat ako, biglang pasok naman si Mateo at nilapag niya ang mga papel. Paalis na sana siya nang bigla kong sinabi ang pinapasabi ng aking titser. Nagkatingin na naman kami. Pakiramdam ko tumigil ang oras. Bigla akong napatingin sa kanyang ID. Fourth year high school section Newton. Napatigil ako sa aking ginagawa. Napangiti siya’t nakigaya na rin ako. Paraan siguro namin ‘yon ng pakikipagkilala sa isa’t isa. Sa unang pagkakataon, nakita ko ang kanyang ngiti. Naku Lord, nasa langit na ba ako?
Biglang pasok ng mga teacher at ako naman tumayo sa aking kinauupuan at umalis na rin. Iniwan ko siya sa loob ng faculty.

Hindi man lang kami nakapagkwentuhan.

Ano pala ang pagkukwentuhan namin?

Pero aaminin ko, nang mga oras na nagkatinginan kami at ngumiti siya sa akin, biglang bumilis ang tibok ng aking puso na di ko inaasahang mangyayari sa’kin.

Kanina rin pala sa huling subject namin, wala kaming ginawa kundi magsunog ng pwet sa’ming armchair during English hour. Nakarasan din ng nosebleeding ang karamihan sa aking mga kaklase. Bakit? Kasi panay ang pag-konstrak namin ng mga paragraph.

What is life?

My embarrassing childhood experience.

My dreams in life.

Lahat tungkol sa amin, ginawan namin ng mga paragraph. Nakakabaluktot ng dila. Nosebleed din ang drama namin. Kung walang gawa, hindi makakauwi. Naman! Ayaw tanggapin ni Sir Consepcion ang gawa na isa o dalawang paragraphs lang. Gusto niya four to five paragraphs. Nakakadugo ng utak! Ilang beses ng pabalikbalik ang mga kaklase ko. No effect pa rin. Biglang tumayo si Sir Consepcion sabay sabi “that will serve as your assignment. Sabay alis sa aming klasrum.

Habang nag-aayos ako ng gamit, bigla na lamang akong iniwan ng mga kaklase ko. Mismo yung mga cleaners ha. Tama! Uso pa rin iyon sa high school lalong-lalo na kung ang adviser mo si Sir Espino, yung baledoso naming Filipino teacher. Gusto niya laging malinis parati. Kung marumi ka, minus ang abot mo. Minsan tuloy hindi ko alam kung may tinatago siya sa amin. Yung tipong nagtra-transform tuwing gabi. From L nagiging B. Malay ko sa kanya! At bakit ko ba pinapakailaman ang gender ng teacher ko? Kapansin-pansin naman kasi.

Dahil ayaw kong mabawasan ang grade ko ayun no choice ako kundi linisin ang buong klase na ako lamang mag-isa. Naging instant janitress ako. Binura ko ang mga nakasulat sa pisara, pinulot ang mga papel sa ilalim ng mga upuan. Yung mga naiwang libro ng mga kaklase ko nilagay ko sa isang sulok. Bahala sila! Ang bigat ng gamit ko D kaya hindi ko na inuwi at hindi ko sila sasabihan sa bagay na yon.
Nagwalis ako ng buong klasrum. Yung mga chalk dust talagang inipon ko at dinakot. Sabihin nila hindi ako marunong maglinis. Pati yung mga sulok e dinamay ko sa aking pagwawalis. Naging instant janitress talaga ako! Ang sisipag kasi ng mga kaklase ko D-sa kabaligtaran!
Nagawa ko iyon kahit na hikain akong bata. O ha! Saan ka pa, D.

Nang inaayos ko ang mga posisyon ng mga upuan, biglang dumaan si Mateo sa aming klasrum. Nakita ko siya. As usual, sinundan ko siya ng tingin.

May kung ano sa aking puso na hindi ko alam kung ano.

Parang kulog sa lakas ng kabog.

Ngunit ang sarap ng feeling.

Parang Rebisco lang. “Sarap ng feeling ni Mateo.” Hahaha.

Sige D hanggang dito na lamang. Kailangan ko pang gumising ng maaga. May mga takdang-aralin pa ako na hindi pa tapos. Lalong-lalo na ang Math at English.

Naisip ko D na magpatulong sa isa kong kaklase na mahusay sa numbers. Bombay ata kaya ganoon. Galing niya D pero sa Math lamang.

O siya, bukas uli.

Leave a comment