Archive for the ‘Brainythoughts’ Category

May bigla akong namiss

Posted: July 13, 2011 in Brainythoughts

Habang pinapahinga ang mga kamay ko, minabuti kong buksan ang aking blog tapos sabay gawa ng post. Habang nag-iisip ng ilalagay may bigla akong naalala. Yung taong laging nagco-comment sa blog ko. Kamusta na kaya siya? Ano kaya ang pinagkakaabalahan niya? Busy ba siya?

Kahit na walang sense ang pinagsusulat ko rito, may gana pa siyang basahin ang mga gawa ko. Inspirasyon ko siya. Lalo akong ginaganahang magsulat.

Gusto ko ring bisitahin ang kanyang blog kaya lang sabi ng site na iyon… burado na raw. Hindi ko alam kung ako lang ang kamali ng pagpindot ng link. Pero kung mapapadaan ulit siya at may bago siyang blog… panigurado bibisita ako.

Okay back to work na ako. Grabe wala pa akong naiisip na isusulat sa request letter ko para sa Friday. Sana matuloy ako at sana papasukin ako ng guard. Importante naman ang pagpunta ko roon eh.

 

Diary: Happy so much

Posted: July 2, 2011 in Brainythoughts

Yehey sa wakas nakausap ko ang aking CT sa isang networking site. Mahabang panahon na rin nang hindi kami nakapag-usap. Kinuwento ko ang mga ginagawa ko at kung gaano ako kasaya sa pagtuturo ko. Ikinuwento kung ano ang mga klaseng students na meron ako ngayon at ano ang pagkakahalintulad nila sa mga dati kong naging students noong nagpapractice teaching pa ako.

Naikwento ko rin ang pag-aaral ko ng mga tula ngunit sa kasamaang palad nagdesisyon ako na hindi iyon ituloy. Nahihirapan? Hindi naman. Siguro hindi ngayon ang tamang panahon na mag-aral ng ganoon. Pero hindi nangangahulugan na sumusuko na ako. Mag-aaral pa rin ako ng pagsusulat. Self study na lang ang gagawin ko. Sa ngayon naisip ko na mag-aral ng field na tinuturo ko.

Masasabi ko bang isa akong malaking failure? Hindi ko alam pero iyon na ang naging kapasyahan ko. Balik ulit sa dati. Sulat ulit ako ng sulat. Hanggang may lakas ako na magsulat. Hanggang gumagalaw ang neurons ko… magsusulat ako.

Maraming maraming salamat sa oppurtunity na binigay sa akin ng Diyos. Salamat talaga 🙂

Habang nag-uubos ng oras, hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking utak at naghanap ako ng mga terms na usong-usong ginagamit ngayon. Nakakatuwa lang. Yung iba eh hindi ko alam. Ngayon ko lang nga natanto ang mga salita na iyon.

Sosyal

Kung sosyal kang tao, maari po itong gamit. Pwede rin kung gusto mong maging feeling sosyal. Kung sa bagay, kahit hindi sosyal o sosyal eh naririnig ko na ito eh.

over – too much (you have to know the correct inflection though – ask
the sosy kids)

grover– short for grabe (gr) and over – much too much

grobra – short for grabe (gr) over (o) and sobra (bra) – superlative
version of over

Kung gagamitin mo sa isang pangungusap ang bawat salita na iyon, nakakatuwang pakinggan;

1. Over naman itong tao na ito sa pag-iyak.

2. Sige lang grover lang ng grover mga friends.

3. Naku ang grobra niya talaga sa suot niyang damit.

Sa susunod kapag narinig kong ginagamit nila ang mga salita na ito, maiintindihan ko na sila.

Ito pa pala ang kinatatawa ko;

batology – the art or study of  being bored or the state of being bored.

Akalain mo may ganyang salita 🙂

Kung nagkukwento ang iyong kaibigan pwede mong sabihin ang ganitong salita;

Agamemnon – “ah ganoon!”

Sadyang napapahanga ako sa mga taong nakakagawa ng ganitong mga salita 🙂

Kapagod pero kakayanin ko. Pakiramdam ko napasubo ako sa bagay na hindi ko gamay masyado. Dinudugo ang utak ko. Wala akong masyadong alam na malalalim na salita. At hindi rin maiiwasan na tarayan nila ang katha ko. Ngunit ganoon naman talaga, kung gusto kong matuto tatanggapin ko ang mga ibibigay nilang puna sa gagawin kong tula. Nahihirapan lang ako kasi mula’t sapul free verse na ang ginagawa ko at minsan ay walang sukat. Hindi ko sinusunod ang pamantayan ng tugma at sukat ng tula. Dahil sa gusto kong matutuhan ang tamang paraan sa pagsusulat, magsisikap ako. kakayanin ko ito. Magiging bukas ako sa opinyon ng iba. Bukas ako sa pagbabago.

Marami akong natutuhan. Masaya ako kasi kahit na ayaw ng mga magulang ko eh napilit ko sila na mag-aral ako ng pagsulat ng tula. Wala kasing pera roon pero hindi ko habol ang pera, ang habol ko eh yung matuto ako. Iyong kaalaman na ibabahagi ng mga magigiting na makata ng ating bansa. Kinakabahan tuloy ako para sa darating na Sabado.

Sa loob ng isang linggo, gagawa ako ng tula at alinsunod ito ng gusto nilang mangyari. Gawin ko na lamang na inspirasyon ang mga estudyante ko. Kaso ano ang kinalaman nila sa gagawin kong tula kung ang paksa ay tungkol sa baha? Buhay nga naman.

Bukas ay pasukan na. Hmmm… ano kaya ang mangyayari sa akin? Sinu-sino kaya ang magiging estudyante ko?

Naku kailangan na palang matulog. Maaga pa para bukas.

Nga pala, pasensya sa kanya kung hindi ko matanggap ang kanyang “sorry”. Hindi ganoon kadaling tanggapin ang sorry ng iba kung talagang nakagawa ng sobrang mali. Hindi naman ako Diyos para hindi magpatawad pero ang magpatawad tulad ng move-on eh process ‘yan. Alam ko mapapatawad ko siya pero hindi ngayon.

Diary: Dentista at buhay

Posted: June 1, 2011 in Brainythoughts

Sinamahan ako ng aking nanay sa isang dentista. Ayun takot na takot ako kapag dentista ang pag-uusapan. Lalong-lalo na yung mga aparatus na ginagamit niya. At yung bunot! Naku! Buti na lamang maganda ang mga ngipin ko sabi ng dentista sa akin basta ingatan ko lang. Sympre. Magsipilyo! ‘yon ang nag-iisang solusyon para iwas cavity!

Nga pala may mahalagang tao sa buhay ko na nasa bingit ng kamatayan. Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Kung totoong may himala, sana mangyari ‘yon sa kanya. Dumalaw ako sa kanya at nakita ko ang kanyang kalagayan. Gusto kong umiyak nang mga oras na iyon kaso gusto kong maging matapang sa harapan niya. Gusto kong maging matatag para sa kanya.

Nakakalungkot isipin ang mga balak ng mga kamag-anak niya para sa kanya. Ayaw kong isipin ang mga bagay na iyon pero wala akong magagawa. Bakit ganoon? Hindi ko maintindihan. Ganoon ba kadali sa ibang tao na kunin ang buhay ng iba? Ganoon ba kadali ang magdesisyon sa bagay na iyon? Ano ba ang buhay sa kanila? Hindi ko maintindihan. Pero hanggang naniniwala ako sa himala, alam ko… mangyayari iyon. Gusto kong maniwala na mangyayari iyon. Alam ko!

Feeling blue

Posted: May 30, 2011 in Brainythoughts

Ako ang tipo ng tao na kapag binigyan ng isang task, hanggang kaya ng powers ko, gagawin ko 100 percent. Kung baga lahat ng effort ko ibibigay ko roon. Pagpupuyatan ko ng husto. Pinapraktis ko pa iyon ng ilang ulit. Well prepared ika nga. Kaso kung ang effort ko ay binalewala, hindi pinansin at inagaw ng iba… imbes na magalit, dinadamdam ko ng sobra.

Naiinis ako at dinadaan ko na lang sa pag-iyak ang pagkainis ko.

Nagpakapuyat ako sa mga sasabihin ko para hindi ako kabahan. Alam ko kasi sa aking sarili na mabilis akong kabahan kaso wala ring napala.

Hindi ako matalinong tao, kailangan kong sanayin ang sarili ko ng makailang ulit para maalis ang kabang nararamdaman ko kaso para saan pa!

Pakiramdam ko pinahiya ko ang sarili ko sa harap ng maraming tao.

Ganoon naman parati… napapahiya lagi ako. Walang nagbago roon.

Magpupuyat na naman ako

Posted: May 29, 2011 in Brainythoughts

Magpupuyat ako ngayong gabi. Sana matapos ko ang presentation ko ng maaga. Tamad nga naman akong tao. Hindi naman… wala lang sa mood na gawin iyon. Hindi ko pa rin nga napag-aaralan yung mga sasabihin ko. Lahat ba iyon eh isasama ko? Hindi naman siguro? Ewan ko lang.

Paano ko kaya sisimulan? Hala lagot ata ako bukas nito. Hindi ako prepare as in. Ilang araw na lang pala pasukan na. Hanggang ngayon, hindi pa rin sumasagi sa isip ko iyon. Baka nga mapa-urong eh. Malay ko sa kanila.

Diary: Morning Exercise

Posted: May 28, 2011 in Brainythoughts

Gumising ako ng maaga para samahan ang kapatid ko na mag-jogging. Ako ata ang kaisa-isang taong nag-jogging na naka-tsinelas lang. Hindi sa wala akong sapatos, hindi lang sanay ang mga paa ko na nakakulob sa loob. Pakiramdam ko kailangan ng mga paa ko ang sariwang hangin sa labas kayat hindi ako nagsapatos. Sa kasamaang palad, naging mukha akong kanto girl imbes na naka-jogging attire look ang lola ninyo. Ganoon ang buhay. Nahila lang naman kasi ako. Ngunit masarap sa pakiramdam ang mag-exercise tuwing umaga. Tama ang kanta ni Yoyoy na “mag-exercise tayo tuwing umaga… para katawan natin maging masigla.” Papayat ka na nga, may healthy body ka pa.

Habang naglalakad, panay ang aper ng tatay ko sa mga kakilala niya. Wow feeling bagets ha. Wala namang nagbago kahit na Board of Trustees ang tatay ko sa H.O.A dito sa may amin. Tulad ng dati, ngiti lang ako ng ngiti sa mga taong kakilala ng tatay ko. Ganoon din ang kapatid ko.

Pinagpatuloy namin ang aming paglalakbay [lakad lang ang inatupag namin at hindi jogging]. Malayu-layo rin ang aming nalakad. Paminsan-minsan, tumatakbo ang kapatid ko kayat required din akong tumakbo. Ngayon ko lang natanto ang hirap pa lang tumakbo kapag naka-tsinelas ka lang. Next time magsasapatos na ako. Takbo-lakad-takbo ang ginagawa namin. Panay ang tukso nila na napapapagod na ako. Ako naman yung tipong nagyayabang na hindi pa kahit na halata na nanghihingal na ako sa pagod. Hindi ko nasukat kung gaano kalayo ang narating namin. Basta pumayat lang ang kapatid ko, sige go ako sa kanyang adhikain. 🙂

Bukas, badminton naman ang gagawin namin. Whole family ang drama namin bukas. For the first time in history na mangyayari iyon. Ang nanay ko kasama namin maglalaro ng badminton. Excited na ako para bukas. Sana matuloy. 🙂

Naku badminton… kailangan ko na talagang magsapatos noon. Kawawang mga paa. 😦

Salamat ng marami

Posted: May 27, 2011 in Brainythoughts

Umaapaw ang sobra kong kasiyahan ngayon na hindi ko alam kung paano ko ito ipaliliwanag. Kinakabahan pa ako ng nakita ko ang liham nila para sa akin. Hindi ko alam kung bubuksan ko ba iyon o hindi. Alam ko na kasi sa aking sarili na hindi ako matatanggap pero tinibayan ko ang aking sarili at binuksan ko ang liham. Habang binabasa iyon, unti-unting pumapatak sa aking mga mata ang luha ng kasiyahan. Natanggap ako! Natanggap ako! Sa wakas. Ang pinakahihintay ko sa lahat! Salamat!

Sumuko na ako kagabi. Sinabi ko sa Diyos na kung anuman ang gusto niyang mangyari sa buhay ko, susundin ko iyon. Ito siguro ang gusto Niyang mangyari. Tinupad lang Niya kung ano ang nais ng aking puso. Salamat sa Kanya. Salamat din sa mga taong naniniwala sa akin. Salamat sa blog na ito at sa nagbabasa ng aking blog. Maraming maraming salamat.

Pagbubutihan ko! Gagalingan ko! ^^

Afternoon diary: 3:48pm

Posted: May 26, 2011 in Brainythoughts

Ngayon ko lang natanto na kapag galit ka, hindi mo maayos ang laro mo ng mabuti. Kahit gaano ako kadesperado na manalo, sa bandang huli talo pa rin ako. Ano ba kasi ang kinaiinisan ko? Tama! ‘yong hindi pagpansin sa akin! Kung sa bagay sino ba naman ako para pansinin niya! Hindi ko naman siya aasarin. Hindi ko naman lalaitin ang bago niyang bf pati siya. Gusto ko lang siyang kamustahin. Tanungin ang tungkol sa buhay niya. Magtanong… ‘yon lang ang gagawin ko. Ako na nga ang nagkusang mag-hi sa kanya, ni isang reply hindi niya maibigay. Tapos nag-offline! Grabe! Sige! Ganunan pala! Sa huling banda, kahit gaano ako kainis sa kanya, nalulungkot ako sa di niya pagpansin. Kaibigan naman niya ako di ba? Mali, dapat pala ang tinanong ko eh “kaibigan pa ba niya ako?” Ewan ko sa kanya.

Natuyo rin ang kabinet at oras na para ibalik ang mga damit sa dapat nitong paglagyan. Bukas ang dami kong tatrabahuin. Ano kaya ang uunahin ko? Sympre unahin ko muna ang gumawa ng letter of recommendation sunod ang school works ko. May kasabihan tayo… If you are depress, work! Work is the antidote of depression. Ganoon na lang ang gagawin ko. Gawin ko na lang motivation ang di niya pagpansin.

Friday pala bukas, itext ko na lang si JV na magkita na lang kami sa Monday. Sasabihin ko na lang na marami akong gagawin bukas. Maiintindihan naman niya iyon. Kung sinagot ko siya di sana may bf na rin ako. Kung sa bagay di naman ako nagmamadali. Ang mahalaga kaibigan ko siya. Masaya kaming ganito.